Sumakay ako sa Toki nung isang araw. Pag baba ko nalungkot ako or rather nainis ako. Nakakainis talaga pag may nakasakay kang mga taong takot sa kagat ng hindi nangangagat na barya.
Iba-iba pa ang istilo ng mga yan. May mga lingon to the max kunwari'y hindi napapansin ang inaabot na barya. Kahit mapaos ka pa sa kakasabi ng "Makikiabot po ng bayad" ay wala kang mapapala. Mayroon namang sleeping beauty ang drama. Tulog kunwari. Di bale ng mauntog 'wag lang makagat ng hindi nangangagat na barya. Kawawang barya. At ang pinakamatindi sa lahat ng matindi ay ang mga taong tinitingnan lang ang inaabot mong barya na para bang sinasabi "Fly barya. Fly!"
Paano kung lahat ng tao ay matakot sa kagat ng hindi nangangagat na barya? Paano kung bawat sakay mo ng jeep ay kailangan mo pang lumapit sa driver (habang nakatuwad) para iabot ang bayad mo? Hindi kaya magka-scoliosis lahat ng tao?
Hindi ba mas magiging maganda ang araw nating lahat kung aabutin natin ang bayad ng iba at makakarinig pa ng "salamat" na may bonus pang smile? Hindi ba mas magiging maganda ang araw nating lahat kung sa pag-abot natin ng ating bayad ay may nakahandang umabot nito?Hindi ba mas magiging maganda ang araw nating lahat kung lahat tayo ay hindi takot sa kagat ng hindi nangangagat na barya??
No comments:
Post a Comment
Your thoughts?